Dist. 1    BACLARAN    DONGALO    LA HUERTA    SAN DIONISIO    SAN ISIDRO    STO. NIÑO    TAMBO    VITALEZ   
Dist. 2    BF HOMES    DON BOSCO    MARCELO GREEN    MERVILLE    MOONWALK    SAN ANTONIO    SAN MARTIN DE PORRES    SUN VALLEY
HOME
FACTS
History
Places of Interest
Special Events
Statistics
Maps
GOVERNMENT
Officials
Agencies
Legislation
Business Permit
Civil Registry
Land Tax
DIRECTORIES
Businesses
Organizations
People
Subdivisions / Villages
LINKS
ARCHIVES
E-mail us

Parañaque Ngayon... makalipas ang unang 100 araw na paglilingkod bayan ni Mayor Jun Bernabe

Ni NELSON LACAMBRA at JOSEPHINE PATRICIO

UMAGA ng ika-15 ng Mayo 2004 nang ihayag ni Parañaque City Mayor Florencio M. Bernabe Jr., kasabay ng pagproklama sa kanya ng mga City Board Canvassers sa amphitheater ng Casino Filipino bilang nanalong kandidato ng pagka-alkalde noong nakalipas na halalang Mayo 10, "Ang aking tagumpay ay isang hamon sa bagong pamunuan na isulong ang kaukulang pagbabago at napapanahong adhikain para maibalik ang lungsod sa mga hanay ng mauunlad at matatag na sambayanan."

Nagdiwang sa ampitheater ang mga libo-libong supporters ni Mayor Bernabe na walang sawang umagapay sa kanya sa araw ng kampanya hanggang matapos ang bilangan ng mga balota.

Sa pangalawang beses na pagkahalal ni Bernabe bilang bise-alkalde mula 1998 ay namataan nito ang unti-unting pagbagsak ng ekonomiya ng lungsod sa pamumuno ng dating administrasyon.

Hindi matanggap ni Mayor Bernabe na ang Parañaque na nakitaan ng sigla at asenso sa pamumuhay sa ilalim ng kanyang ama na si dating Mayor Florencio V. Bernabe Sr. ay napag-iiwanan na ng mga karatig-bayan sa maraming aspeto, partikular na ang mabagal na pag-usad ng ekonomiya.

Nagsilbing hamon kay Bernabe na ipinanganak at lumaki sa Parañaque ang mga problemang hinaharap ng lungsod at ang pangarap nitong maibalik ang dating kasikatan ng lungsod para tumakbo bilang alkalde noong nakalipas na Mayo 10, 2004 eleksyon.

Ang resulta ng nakalipas na halalan ay bubuo ng napapanahong kasaysayan ng Parañaque City.

Matapos ang ika-100 na araw ng administrasyon ni Bernabe ay inasahan ang ilang mga tanong mula sa kanyang mga kababayan: Ano ang kanyang mga nagawa bilang namumuno ng lungsod sa mga nagdaang araw? Mayroon na ba siyang naipatupad sa mga pangakong binitiwan noong araw ng kampanya? Nasimulan na ba nito ang programang "Bangon Paranaque"?

Sa kabila ng pagkagulat ni Bernabe sa mga problemang minana sa dating administrasyon ay naniniwala siyang makakatulong sa pamamalakad ng pamahalaang lokal ng Parañaque ang mga karanasan nito bilang isang negosyante.

Sa simula ng kanyang panunungkulan ay bumuo agad si Mayor Bernabe ng isang task force na lulutas sa nanganganib na aspetong pinansiyal ng lungsod, partikular na ang kalagayan ng lokal na burukrasya. Paano nga ba magiging maganda ang pagbibigay ng serbisyo sa mga mamamayan kung kulang ang pondo para makapag-hire ng mga bihasang mga manggagawa?

Laking dismaya ni Mayor Bernabe nang malamang walang pera ang kaban ng bayan dahil sa P946.8 milyon na utang na minana nito sa nagdaang administrasyon. Lalo pa itong nadismaya nang mabatid na bumaba ang koleksiyon sa buwis.

Hanggang sa puntong natuklasan ni Mayor Bernabe na ang pamahalaang lokal ay nilobo ng burukrasya dulot ng pamumulitika ng nakalipas na administrasyon sa loob ng siyam na taon.

Para malutas ang problema sa lumobong burukrasya ay hindi nai-renew ang ilan sa mga casual at mga consultant ng nakalipas na pamunuan. Ang mga ito'y natapos ang kontrata noong nakaraang Hunyo 30. Nilinaw ng bagong pamunuan ng Parañaque na walang empleyadong tinanggal sa puwesto.

Sa kabila ng mga problemang kinakaharap ay hindi nawalan ng pag-asa si Mayor Bernabe na magbigay ng serbisyo at sa loob ng tatlong buwan ay narito ang kanyang mga nagawa.

Matagumpay na pangongolekta ng basura

Sa unang linggo ng pag-upo sa puwesto ay pinahakot agad ni Mayor Bernabe ang mga basura sa kahabaan ng Dr. A. Santos Avenue (dating Sucat Road) na kilalang tambakan ng basura sa nakalipas na siyam na taon.

Para mapanitili ang kalinisan ay inatasan ni Bernabe ang pamunuan ng Solid Waste and Environmental Sanitation Office (SWAESO) at ang mga pribadong garbage collection contractor na pag-igihing ipatupad ang lingguhang iskedyul sa pangongolekta ng basura sa lahat ng villages at subdibisyon ng 16 na barangay ng lungsod.

"Kailangang pagbutihin natin ang ating ginagawa, huwag tayong panghinaan ng loob kung mayroong hindi makikiisa, dahil kung nakikita na nila ang ating sinseridad, pasasaan ay mahihikayat natin ang mga tao na makiisa sa ating mga programa sa pagpapanatili ng kalinisan," ani Mayor Bernabe.

Taxpayers' Lounge

Para mapagbuti ng pamahalaang lokal ang pagbibigay ng mga serbisyong kailangan ng mga mamamayan, hindi lamang ang saklaw ng manpower ang isinasa-alang-alang nito. Nariyan din ang financial at logistical resources na kailangang pagbuhusan ng pansin para matustusan ang mga programang pangsosyal at imprastruktura.

Ipinatayo ang may P27 milyong halaga na dalawang palapag na taxpayers lounge sa bahagi ng Parañaque City Hall quadrangle upang mapalaki ang koleksiyon sa buwis mula sa real property taxes, business taxes at regulatory fees.

Ang ground floor nito ay nagsisilbing one-stop-shop ng mga magbabayad ng buwis. Bukod sa pagiging air-conditioned at computerized ay nakakaginhawa na nang mabuti ang mga taxpayers kung saan nabibigyan sila ng libreng kape, tsa, juice, at biskwit habang naghihintay na matawag ang kanilang pangalan.

Hindi na rin maiinip ang mga taxpayers sa haba ng pila gaya ng naranasan nila sa mga nagdaang administrasyon na umaabot pa ng ilang araw ang proseso. Ngayon ay puwede nang maghintay ng isa o dalawang oras kung kumpleto ang requirements.

Pagpapaganda ng Dr. A. Santos Avenue (Sucat)

Pinangunahan ni Unang Ginang Maria Fe Bernabe ang programang "Clean and Green" ng lungsod ng Parañaque kasama dito ang paglilinis at pagpapaganda ng kahabaan ng Dr. A. Santos Ave. (Sucat) at Ninoy Aquino Ave.

Kilala ang Dr. A. Santos Avenue (dating Sucat Road) at ang Ninoy Avenue na mga pinaka-abalang kalye ng lungsod dahil ang mga ito ay daanan ng sasakyan.

Kapansin-pansin ngayon ang mga itinanim na halamang namumulaklak at punongkahoy sa center island ng Dr. A. Santos Avenue.

Dati-rati, naglalakihan ang mga damo na nakapaligid sa mga punongkahoy na nakatanim sa center island ng Dr. A Santos at Ninoy Avenue at walang ilaw ang mga poste dahil sa hindi pagbabayad ng bill ng Meralco ng nagdaang administrasyon.

Sa pagpapalawig ng `cleanliness and beautification program' na pinangu_ngunahan ng Unang Ginang Maria Fe Bernabe ay pinaganda ang center island. Bukod sa pagtanggal sa mga damo ay tinaniman ng mga halaman ang center island, pantay na pag-trim sa mga puno, at pinailawan ang mga poste at pinutol ng pantay ang mga punong kahoy. Inayos at pininturahan ng nasirang bahagi ng island sa hulihan ng Dr. A. Santos.

Paglutas sa problemang trapiko sa Bicutan

Ang pagbukas ng SM-Bicutan mga ilang taon na ang nakalipas ay nagdulot ng pagbagal ng daloy ng trapiko sa may Bicutan interchange.

Isang bagong paraan ang ipinatupad sa pagkontrol sa siksikan ng mga pampasaherong dyip at bus na dumadaan sa east and west service road at mapabilis ng daloy ng trapiko kung saan nagtalaga ng loading at unloading zone.

"Sa pakikipag-ugnayan sa mga may-ari ng SM mall na maitayo ang isang pedestrian overpass ay makakatulong nang husto sa kaligtasan ng mga namimili at mga tumatawid, at ito rin ay makakatulong para mabawasan ang pagsikip ng daloy ng trapiko sa interchange," ani Mayor Bernabe.

Pagpapailaw sa President's Avenue, BF Homes

Puwede ng makapasok at makalabas sa pamamagitan ng President's Avenue, kanang direksiyon patungong Tahanan Village ng BF Homes kung saan ang pinakamalaking bahagi ay magbubuklod sa daan papuntang Las Piñas at Muntinlupa.

Bukod sa naging dekorasyon ang may 110 na bombilya na nakakabit sa mga iba't-ibang ilaw ng poste ay malaking tulong ito sa kaligtasan ng mga dumadaang residente at motorista lalo na sa gabi.

Job Fair

Tagumpay ang mga job fair sa kasalukuyang administrasyon ni Mayor Bernabe na dinagsa ng mahigit 5,000 naghahanap ng trabaho at may 54 na kompanya ang nakipagtulungan.

Sa kabuuan na bilang ng mga aplikante, mahigit 211 ang agad na natanggap, at may 786 na mga aplikante ang iniskedyul para sa final interview. At may 1,342 pang mga aplikante ang tiyak na bibigyan ng pansin sa susunod na job fair.

Dalawang pampublikong paaralan

Malapit nang magkaroon ng katuparan ang inaasam na pagkatayo ng dalawang bagong gusali ng pampublikong eskuwelahan. Sa pagtutulungan ng pamahalaang lokal ng Paranaque sa pamumuno ni Mayor Bernabe, Department of Public Work and Highways (DPWH) at Congressman Roilo Golez (pangalawang distrito).

Ang unang gusali ay may apat na palapag, 23 na classroom ng elementarya sa Brgy. Sun Valley. Ang pangalawa ay may apat na palapag at may 49 na classroom ng elementarya at high school sa Brgy. Moonwalk.

Ang nasabing mga istraktura ay sinimulang itayo sa pag-upo ni Bernabe bilang alkalde ng lungsod. Ito'y nagpapatunay na malaki ang pagpapahalaga niya sa edukasyon upang mapabuti ang kabuhayan ng kanyang pinamumunuan.

Naniniwala siya na ang magandang edukasyon ang panlaban sa kamangmangan at kahirapan, at ito rin ang susi ng maunlad, disiplinado at maipagmamalaking komunidad.

"Bukod sa pagiging dumugin at kaaya-aya para sa mga negosyante ang lungsod ng Parañaque, gusto kong maalala ng mga kabataan ang aking pagpapahalaga sa edukasyon. Ang dalawang bagong istrakturang ito ay kasama sa aking mga mithiin sa pagpapalawig ng edukasyon," pahayag ni Mayor Bernabe.

Ang pagsasaayos ng ilegal na paradahan ng mga pampasaherong sasakyan.

Matapos ang matagumpay na relokasyon sa talipapa, umaksiyon naman si Mayor Bernabe sa problema sa ilegal na paradahan ng dyip at FX taxi sa kabilang kalye.

Bunsod na rin ito sa pagkabigo ng mga mga pulis, traffic enforcers ng Philippine National Construction Corporation (PNCC) — operator ng South Luzon Expressway(SLEX) — na patigilin ang operasyon ng illegal na paradahan sa Sucat Road.

Malaking problema ang trapiko sa nasabing lugar lalo na sa oras ng pagmamadali dahil sa walang kooperasyon ang mga jeepney drayber at mga operators sa mga awtoridad

Pinayuhan ni Mayor Bernabe ang mga miyembro ng Confederation of Drivers Organization Alliance of Concerned Transport Organizations (PCDO-ACTO) na maging disiplinado at iwasan ang paggamit ng ilegal na paradahan.

Sa nakaraang pag-uusap ng mga lider nito kay meyor, binigyang diin ni Bernabe ang kooperasyon ng mga transport group na ayusin ang mga terminal ng pampasaherong sasakyan para hindi makagambala sa daloy ng trapiko lalo na sa oras ng pagmamadali.

Iminungkahi ng alkalde na kapag hindi mapatigil ang mga ilegal na paradahan ay mabuti pang lumipat na rin nang terminal ang mga pampasaherong sasakyan sa ibang lugar, partikular na sa pribadong puwesto.

Binalaan ng alkalde ang nasabing transport group na kapag hindi malutas ang problema sa trapiko ay pagtatayuan na lang ng magagandang proyekto ang nasabing terminal.

Sa pagtatapos ng pag-uusap, nangako ang nasabing transport group na tatlong dyip na lang ang paparada at maghintay ng pasahero sa terminal.

Relokasyon ng Sucat- Highway ` talipapa'

Isang talipapa na malapit sa pedestrian overpass ng Sucat Road Paranaque City ang inireklamo ng mga motorista at mga residente dahil abala ito sa trapiko at kalinisan ng lugar.

Dati, ang mga nagtitinda dito ay gumagamit ng kariton sa pagtitinda ng sari-saring pa_ninda gaya ng mga gulay, prutas, isda at karne.

Sa paglipas ng panahon, sa bangketa na sila nagtitinda at ang iba sa kanila ay nagtitinda sa lansangan.

Agad na umaksiyon si Mayor Bernabe sa mga reklamo at inatasan na alisin ang mga vendor at ilipat sa talipapa na pag-aari ng pribado na di kalayuan kung saan sila nagtitinda.

Para maipakita niya ang pagpapahalaga sa mga karapatan ng mga nagtitinda, iniutos nito sa kanyang mga tauhan na iwasan ang pagkaroon ng kaguluhan.

Kusang lumipat ang mga vendors sa nasabing lugar na walang reklamo. Nagpasalamat pa ang mga ito sa importansiya sa kanila ni Mayor Bernabe para sa kanilang kabu_hayan

Paglilinis at rehabilitasyon ng pampublikong sementeryo

Bago pa man umupo si Mayor Bernabe nitong nakalipas na Hulyo, nabatid na binalewala ng dating administrasyon ang nakaugaliang pagtatapon ng basura sa bakuran ng sementeryo.

Bukod sa pagkawala ng respeto sa mga patay na nakalibing sa nasabing sementeryo, ito pa ay lumalabag sa batas, marumi, at nakakasira ng kalusugan sa mga residente na nakatira sa karatig.

"Kahit mga patay ay hindi dapat tratuhin at ipagwalang bahala ng isang lider at hayaang babuyin sa panahon ng kanilang panunungkulan," pakikiramay ni Mayor Bernabe.

Para kay Mayor Bernabe, ang lahat ng ito ay hindi kawalan kung saan nangako ito na kanyang lilinisan at ibalik ang dating magandang ayos ng nasabing sementeryo.

Sa pagpapatupad ng kalinisan at pagsasaayos sa nasabing lugar,pinag-aaralan ngayon ni Mayor Bernabe ang paghingi ng tulong sa ilang pribadong grupo na may kakayahang pagandahin ang nasabing sementeryo sa mababang halaga gaya ng mga sementeryo sa lungsod ng Maynila.

Paglilinis ng estero at mga kanal

Sa kasabihan, "Kapag umulan, bumuhos," At kapag bumuhos, tiyak na kasunod na ang baha.

Ito ang katotohanan, hindi lang dito sa Parañaque kungdi sa lahat ng mga lugar sa kamaynilaan na may mga lumang sistema sa kanal at baradong ilog, sapa at estero.

Sa mga nakaraang taon, maraming bahagi ng siyudad ang hindi pinaligtas ng baha na madalas ay umaabot ng isang araw.

Sa nakalipas na tag-ulan, maraming nakatira sa mga bahaing lugar ang nakapansin na mas madali nang humupa ang baha, di gaya noong nagdaang na mga taon.

Nitong nakalipas ng Hulyo ay ipinag-utos ni Mayor Bernabe na linisin at alisin ang nakabara sa mga kanal at mga estero na siyang dahilan ng pagbagal ng daloy ng tubig.

Sinigurado ni Mayor Bernabe na kanyang ipagpapatuloy ang nasimulang paglilinis ng mga estero at kanal kahit hindi na tag-ulan.

Paglilinis sa pamilihang bayan

Ang Pamilihang Bayan ng Parañaque City ay isa sa pinala-kontrobersiyal na proyekto ng dating administrasyon.

Sa mga papeles ay magandang tingnan ito, ngunit paglipas ng taon ay nalaman na sobra ang presyo nito.

Ang masama pa nito, pagkatapos na maitayo ang nasabing palengke at maokupahan ng mga nagtitinda at mga negosyante ay hindi na napanatili ang kalinisan sa loob at paligid nito.

Inatasan ni Mayor Bernabe ang kanyang mga tauhan na linisin ang nasabing pamilihang bayan at atasan ang mga vendor at stall holder na sumunod sa mga batas at alituntunin para mapanatili ang kalinisan at sanidad.

Ngayon, dahil sa kalinisan sa loob at labas ng palengke ay puwede na itong maipagmalaki.

Mga bagong negosyo

Naghihintay ang mga negosyante ng tamang panahon dahil sa pangambang pagkalugi bago ipagpatuloy ang plano sa pagtayo ng mga bagong negosyo.

Sa lungsod ng Parañaque, naniniwala ang mga negosyante na masuwerte sa pagnenegosyo ang pag-upo ni Mayor Florencio M. Bernabe Jr. na kilala pa man na dating negosyante.

Katunayan nga ay nitong nakalipas na Hulyo hanggang Setyembre, umabot ng 664 bagong negosyo, may 331 na mga renewal ang nabigyan ng pagkakataon.

Day Care Center

Bilang pagtugon sa panawagan ni Mayor Bernabe na pagyamanin ang komunidad, tahanan, pamilya at ang bawat mamamayan para sa child friendly system, itinaguyod ang operasyon sa bawat barangay ng programang `Early Childhood Care and Education' upang lalong mapaunlad ang Day Care System mula Hulyo hanggang Setyembre na nagresulta ng kapaki-pakinabang, mapagkalinga at maasahang mga serbisyong kailangan ng mga magulang at mga batang nagsisimulang mag-aral.

Sa pagkakaisa ng private sector at nang pamahalaang lokal ay umabot ng 100 sa ngayon ang naipatayong mga day care center. Kabilang sa 16 na barangay na pinalad na mapatayuan ng bagong day care centers ay ang Brgy. Baclaran at San Isidro.

Ngunit hindi lamang para sa kapakanan ng mga bata ang `Early Childhood Care and Education.' Sinigurado ni Mayor Bernabe na ang mga magulang ay magkakaroon ng mga training para mapalago ang kanilang mga kakayahan at kabuhayan.

Pagbabantay sa mga gasolinahan

Inatasan ni Mayor Bernabe ang City License Division na bantayan ang mga gaso_linahan, ang mga timbangan at pumping devices para hindi na makapandaya, bunsod na rin sa pagkatuklas noong nakalipas na Hulyo na maraming mga gasolinahan sa kamaynilaan ang naniningil ng mataas sa mga kustomer at motorista sa pamamagitan ng paggamit ng sirang pump measuring devices.

Pinuri at pinasalamatan ng mga motorista ang pag-aksiyon ni Mayor Bernabe kung saan tiyak nang makakabili sila ng wastong gasolina sa tamang presyo.

Para sa kaalaman ng mga kustomer o motorista, inilibot ng mga division inspector ang sirang timbangan ng gasolina sa mga palengke, kasunod nito ay sorpresang naglibot sila sa mga gasolinahan kung saan nakumpiska ang daang timbangan.

Ang magandang balita ay umabot ng P117,703,288.37 business taxes at regulatory fees ang nakolekta ng License Division sa regulatory fees mula sa Hulyo hanggang Setyembre at tumaas ng 8.4% sa dating P107,876,969.12 na koleksiyon noong nakaraang taon.

Pagsasanay ng mga kabataan

Pangunahing prayoridad ni Mayor Bernabe ang pagpapaganda sa serbisyong pangkalusugan at paggagamot na malaking tulong sa mga nagbibinata at nagdadalaga.

Hinggil dito, itinaguyod ng City Health Office ang isang espesyal na programang na nakilala bilang "ARSH" o Adolescent Reproductive and Sexual Health.

Para maiwasan ang mga kasong pagbubuntis, maagang pag-aasawa at mga naabusong misis at mister, kailangang pahalagahan ang panahon ng pagbibinata't pagdadalaga ng ating mga anak dahil nararanasan ng mga kabataan ang mga hindi maintindihang mga pagbabagong pisikal, mental emosyonal at sosyal.

Sa pagkakaisang ipinamalas ng mga highly trained health center staff at mga barangay health workers, sa pakikiisa ng `Save The Children,' kilalang non-government organization (NGO), nabuksan nitong nakalipas na Agosto ang tatlong ARSH Teen Bayan.

Ang mga ito ay ang San Dionisio, Tramo at BF Homes Health Center para maresolba ang mga problema ng mga kabataan, partikular na sa mga kasong child abuse.

Bukod sa paglaban sa malnutrition sa mga bata gaya ng regular feeding programs, dengue eradication at tuberculosis eradication, sa tulong ng Rotary Club sa Paranaque-Lakambini, ang City Health Office ay nag-a-aplay para sa akreditasyon ng Philhealth para sa apat na city health center sa Barangay San Antonio, BF Homes, San Isidro at Sto. Niño.

Pinabuksan ni Mayor Bernabe ang dalawang botika sa Brgy. San Antonio at Sto Nino upang maiwasan ang nangangambang pagtaas sa presyo ng mga gamot. Nangako rin ito na marami pang drugstore sa komunidad ang bubuksan.

Isa sa magandang nagawa ni Mayor Bernabe ay ang pagkatayo ng City Employees Clinic na malaking tulong sa mga kawani ng City Hall.

Recent developments
This website is a project of
City Mayor
FLORENCIO M. BERNABE Jr.

in memory of the late
Councilor
Alberto G. Buenavista
(1937-2004)

Public Servant
Local Government Cyberspace Pioneer